Kulturang Palawenyo, Tampok sa Gabi ng Palatuntunan
Ibinida ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa Dibisyon ng Puerto Princesa ang makukulay na tradisyon ng mga Palawenyo sa pamamagitan ng mga katutubong sayaw at awitin na itinanghal sa Philippine Youth Convergence (PYC) Cultural Night na ginanap sa City Coliseum, gabi ng Ika-15 ng Hunyo.
Nagpamalas ng kaakit-akit na indak sa pagsayaw ang mga mag-aaral ng Special Program in the Arts (SPA) ng Palawan National School (PNS) sa kanilang natatanging pagtatanghal pagkatapos magbigay ng pambungad na mensahe at mainit na pagtanggap sa mga kalahok at panauhin si Dr. Loida A. Adornado, OIC – Schools Division Supirentindent.
Nagpakitang-gilas naman ang Palawan State University (PSU) Singers at PNS SPA choir sa kanilang natatanging tinig sa himig ng mga katutubong awiting Cuyunon at Agutaynen tungkol sa pag-ibig at pagmamahal sa bansa.
Umindak naman ang PSU Sining Palawan Dance Troupe sa saliw ng mga katutubong sayaw mula sa mga pangkat-etniko ng lalawigan tulad ng Tagbanua tampok ang sayaw-panliligaw, sayaw-digmaan, limbay at kendar. Habang mga sayaw na Pinondo, Birginia, sayaw sa Cuyo, Jota de Paragua at Karatong naman ang itinanghal upang ipagmalaki ang kultura ng mga Cuyunon.
Naipinid ang gabi ng kultura sa pamamagitan ng pagsayaw ng “Solteros” na isang sikat na sayaw ukol sa pagtanggap ng mga panauhin. #