Ilang Paaralan, Community Learning Center sa PPC, binisita ni “Nay Liling”

Sa ikatlong pagkakataon ay bumisita sa Lungsod ng Puerto Princesa ang Kalihim ng Edukasyon na si Leonor “Nanay Liling Briones” na naganap ngayong umaga ng Hunyo 17, 2022.
Naging kasama niya si MIMAROPA Regional Dir. Nicolas T. Capulong, CESO III, Asst. Regional Director Atty Suzette G. Medina, OIC Schools Division Superintent Dr. Loida P. Adornado, OIC Asst Schools Division Superintendent Dr. Marites P. Perez, ilang mga kawani mula sa Central, Regional, at Division Office.
Sa kanyang pagbabalik sa lungsod ay dinalaw niya ang Puerto Princesa Pilot Elementary School(PPPES), Palawan National School (PNS), at Community Learning Center (CLC) sa Brgy. Bagong Sikat.
Mainit siyang tinanggap ng mga guro, estudyante, at magulang sa kanyang unang destinasyon na PPPES sa pangunguna ni Gemma B. Arguelles, Principal IV.
Sunod niyang pinuntahan ang CLC kung saan ay inilatag sa kanya ang mga programa ng Dibisyon ng Puerto Princesa kaugnay ng Alternative Learning System.
Huli sa kanyang destinasyon ay ang PNS na dati na rin niyang pinuntahan noong taong 2018. Sa kaniyang muling pagdating ay naging masaya ang buong komunidad ng PNS na siya ay makadaupang-palad kung saan ay magiliw siyang tinanggap sa pangunguna ni Dr. Eduardo G. Santos, Principal IV.
Nakipagdayalogo rin ang Kalihim sa piling mga guro ng PNS. Nagpahayag siya ng pasasalamat sa mga guro dahil batid niya ang sakripisyong kaakibat ng kanilang propesyon.#